Walang pagkilos na kultural na hindi nababalot ng kontradiksyon.
Kontradiksyon ang eleksyon at ang pagsampa ng kahit na sinong artista sa entablado ng sortie.
Kontradiksyon ang pagsusulat bilang hanapbuhay para sa pulitiko.
Kontradiksyon ang pagsusulat ng opinion column para sa diyaryong pagaari ng big business o oligarkiya. (AKO)
Kontradiksyon ang magsulat ng script para sa APEC concert, samantalang alam mo ang masamang ginagawa ng APEC sa bayan. (AKO) Ito rin ang kontradiksyon ng pagsusulat para sa kahit na anong multi- o trans-national na kompanya, o international fake NGO.
Kontradiksyon na habang ginagawa mo ang APEC concert na ‘yan ay pumupunta ka sa Lumad Camp para makiisa at makipagusap sa mga Lumad na dumayong Maynila para ipaglaban ang karapatan nila sa kanilang mga lupa. (AKO)
Kontradiksyon ang magtrabaho para sa kahit na anong institusyong pang-kultura ng gobyerno, sa gayong malinaw sa iyo bilang manggagawang kultural kung papaanong ang mga institusyong ito ay hindi / hirap maging epektibong paraan para tunay na matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawang kultural. (AKO)
Kontradiksyon ang magsulat tungkol sa Pilipinas habang masaganang nabubuhay sa isang first world country bilang bahagi ng diaspora.
Kontradiksyon ang paggawa ng art para lang maibenta ito sa mga kolektor.
Kontradiksyon ang paggawa ng copy para makapagbenta ng produktong alam nating hindi kailangan ng sambayanan.
Kontradiksyon ang maging artista sa TV show o pelikula na ang tinitinda ay ang ilusyon na ang kailangan lang natin sa buhay ay pag-ibig, samantalang kung totoong “artist” ka, alam mong hindi ‘yan totoo.
Kontradiksyon ang sumampa sa entablado para sa theater production na sinusuportahan ng mga sponsors na nang-aapi ng manggagawa sa mga factory.
Kontradiksyon ang gumawa ng mga kanta para sa CD na ilalabas ng isang recording company, na may kontraktuwal na manggagawa.
Kontradiksyon ang magtrabaho para sa ABS-CBN at GMA7, at sa mga subsidiary Lopez at Gozon companies, samantalang pinananatili nilang kontraktuwal ang malaking bahagdan ng kanilang manggagawa, para walang benefits, samantalang ang laki-laki ng kita ng mga kompanyang ito.
Kontradiksyon ang magturo sa mga unibersidad na alam nating pinatatakbo ng big business at oligarkiya — o maging ng isang Estadong at ng burukrasya nitong alam nating walang-puso at mapang-api.
Kontradiksyon ang mag-publish ng libro sa malalaking publishing house na bumibili ng papel sa ibang bansa, na epektibong pumatay sa industriya ng papel sa Pilipinas, at naging dahilan para mawalan ng trabaho ang libo-libong manggagawa. ‘Yan din ang nangyayari tuwing bibili tayo ng global products dahil mura (wow! globalization!) kahit na ang totoo’y pinapatay natin ang lokal na industriya.
Kontradiksyon ang maging bahagi ng mga “artist groups” na feeling natin ay nakakatulong para isulong ang karapatan ng manggagawang kultural, samantalang wala tayong pagsipat ng class war sa pagitan mismo ng mga cultural worker.
Kontradiksyon ang “artist groups” na umano’y tungkol sa pagsusulong ng kaibang pananaw tungkol sa paggawa, samantalang sa bandang huli ay nagiging paraan lang ito para bumuo ng alternatibong clique, o canon (wow rebels!).
Kontradiksyon na nakaupo ako rito at ginagawa ito, habang ang dapat kong ginagawa ay pumuntang Kidapawan at Maguindanao, Soccsksargen at ARMM, para makiisa sa mga magsasakang nagugutom.
Kontradiksyon na huma-hashtag ako ng #BigasHindiBala, pero hindi ko naman naiintindihan ang karanasan na ito ng gutom, at lalong hindi ko alam — wala akong alam — sa pagdurusang dinadaanan ng mga magsasaka sa kanayunan, tagtuyot man on hindi.
Bago natin patuloy na banatan si Gloc-9 para sa pagsampa sa entablado ng sortie ng pulitikong ayaw natin, marahil tanungin natin:
Ikaw, kultural na manggagawa, sinong nagbabayad sa’yo para sa trabaho mo? Nandiyan ang iyong kontradiksyon, sa ayaw mo at hindi, umamin ka man o hindi.
At diyan sa kontradiksyong ‘yan, lahat tayo ay si Gloc-9.