Kuya Joseph. From Brgy. Burayan San Jose. Interviewed in early December 2013, less than a month after Typhoon Yolanda. He drove us around when we volunteered with Kusog Tacloban. His experience in his own words, just re-organized as this happened in various conversations. Will translate at some point, though will gladly let others do it. Because I still think there is no writing people’s stories that will do justice to their voices. Making it pretty is not just an injustice, it also effectively silences.
Nag-warning ang gobyerno, naghakot sila ng mga tao sa may San Jose, may malaking truck sila, pero wala namang sumakay. Hindi naniniwala. Parang ayaw iwan ang bahay. Inasahan namin hangin lang. Pero kung hangin lang hindi maraming mamamatay. Pero may tubig eh. Ang warning lang malakas na ulan, at hangin. Hindi yung tubig galing sa dagat.
Alam namin na may bagyong parating. Pero hindi namin alam na lalaki ang tubig. Delubyo eh.
Nakatakbo kami. Umaakyat na yung tubig. Mataas na alon, dalawa. Yung iba ang nakita nila buhawi, dalawa. Pero parang wala ka rin talaga makikita, masakit ang ulan eh, malakas ang hangin. Nakita naming tumataas yung alon, mga 9:30 ng umaga. Pero tumaas lang at bumaba agad, pero ang daming tubig. Tumakbo kami papunta sa gilid ng kalsada, sa sementadong mga building. Pagbalik namin wala nang natira sa mga bahay namin. Ang daming namatay.
Nung una sa SK Hall kami. Dun kami pumasok, may matanda kaming kasama do’n. Pagtingin namin sa pintuan, pumapasok na yung tubig, takbuhan na. Yung matanda naiwan na do’n, pagbalik namin patay na. Umabot hanggang kisame yung tubig. Kung kukunin pa yung matanda, magiging dalawa talaga kayo. Eh segundo lang yung pagitan nung pagtaas ng tubig eh.
Yung hangin ang tunog niya parang bulldozer. Marami kang batang makikitang nalulunod. Ubos ang buong San Jose. Marami pa ngang patay do’n na hindi pa nakukuha. Sa may mangroves. Mga inanod. Kailangang hanapin, pero marami. Umaabot na nga ng 6,000 siguro. Marami pang patay.
Lumipas muna ng tatlong araw bago kami nakakuha ng relief. Tubig lang ng tatlong araw, kase may NAWASA na umaawas. Walang dumating na damit. Matutulog ka basa ang damit, magigising ka basa. Namulot na lang kami ng damit, nilabhan na lang.
Yung pinakamasaklap talaga, nung nag 24 hours na, ang baho na ng Tacloban. Yung Sabado at Linggo na, hindi pa rin kinukuha yung patay.
Hindi na nabibilang ang mga patay, pero ang dami pang nakukuha. Araw-araw may nakukuha pa. Marami pa.
Meron nga sa Tanauan, isang barangay, tatlong tao lang ang nag-survive.