tungkol kay Nicole ni Joms Salvador

hindi ko mapigilang magkomento sa ilang mga naging pahayag hinggil sa note na ito.

una, sa pamantayan ng ‘preferable’ o hindi, totoo namang mas maganda sana kung hindi “umatras” si nicole at ang kanyang pamilya. kung hindi sana sila napagod at nagtuloy-tuloy na lang sa laban. sa anumang punto de bista — bilang kapwa babae, bilang kapwa Pilipino, o kahit pa bilang biktima — walang puwedeng magkaila na mas maganda at kaayaaya sa mata ng publiko kung hindi inexecute ni nicole yung huli niyang affidavit.

pero sa punto ng tama o mali — iyang moralistikong pagwawasiwas na iyan ng kaugnay ng pamantayang duwag ba o matapang, makasarili ba o selfless, kahiya-hiya ba o marangal — hindi dapat diyan hilahin ang usaping ito.

simple lang ang dahilan: hindi tayo si nicole, hindi tayo ang babaeng kailangang humarap sa alimura o ambivalence ng publiko, hindi tayo ang biktimang pinay na kinakalaban ang isang rapist na protektado kapwa ng gobyerno ng US at ng pilipinas.

pangalawa, kung sumuko man ngayon si nicole, ibig bang sabihin hindi na siya ni-rape? kung uuriratin ang bagong affidavit niya, wala siyang sinabing hindi siya ni-rape. ang sinabi niya ay hindi siya sigurado kung may rape na nangyari. sabi niya baka raw kasalanan niya, baka raw may ginawa o sinabi siya na naging dahilan para maging “intimate” sila ni smith.

wala ni isa man dun sa recent niyang affidavit ang nagsasaad na binabawi niya ang mga sirkumstansya ng rape sa subic noong nov 1, 2005 : binuhat palabas ni smith ang isang halos unconscious na si nicole mula sa neptune bar na parang baboy; ni-rape habang nasa loob ng umaandar na starex van; pagkatapos ay itinapon sa gilid ng daan sa may alava pier na nakababa pa ang pantalon at may nakadikit na gamit na condom. walang bumabawi sa ganitong mga paglalarawan at pagpapatotoong may nangyaring rape. ni-rape si nicole noong 2005 sa subic. at si daniel smith ang nang-rape sa kanya.

malinaw ang sinasabi ng batas at ang desisyon ng makati regional trial court sa verdict nito kay smith: sinamantala ni smith ang ganung state ni nicole. pinatunayan ng physical at circumstancial evidences na ni-rape ni smith si nicole.

o baka naman pati ito kinalimutan na ng ilan para lang sumakto sa iskema ng pagkastigo kay nicole?

huling punto na lang: para maunawaan si nicole at ang naging desisyon niya nitong huli, kailangang unawain kung ano ang rape at ano ang nangyayari sa mga babaeng biktima ng rape, lalo na iyong mga katulad ni nicole na ang nanggahasa ay sundalo ng pinakamakapangyarihang imperyalistang bansa sa daigdig na hawak sa leeg ang pinakatutang gobyerno sa asya.

mas mainam na gawin ito, kaysa magwasiwas ng kung anu-anong moralistikong retorika para manisi ng isang biktima ng rape.

 

Comments